Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng East Avenue Medical Center na sa kanilang ospital ang kumalat na video sa social media kung saan ipinakikita ang mga bangkay na nasa sahig sa isang kwarto umano ng ospital.
Sa liham na ipinadala ng EAMC sa DOH na pirmado ng kanilang medical center chief na si Dr. Alfonso Nuñez III ay nakasaad na walang ganoong kwarto ang EAMC.
Ang flooring at furnishing ng nasabing kwarto ay hindi rin umano tugma sa kanilang ospital. Ang morge umano ng EAMC ay hanggang 5 bangkay lang umano ang kayang accommodate. Habang sa kumalat na video ay marami umanong bangkay sa loob ng kwarto.
Ang mga bangkay umano sa EAMC ay inilalagay nila sa isang body bag saka inilalagay sa stretcher bilang respeto at hindi sa sahig gaya ng nasa video.
Sa isyu naman ng mga namamatay sa ospital, tiniyak ni Nuñez na nagsusumite sila ng mga datos sa DOH.
Si DOH Usec. Ma Rosario Vergeire naman, sinabi na ang nasabing video ay kuha sa isang ospital sa ibang bansa.
Batay na rin aniya ito sa ginawang imbestigasyon ng kagawaran matapos kumalat ang nasabing video sa social media.