top of page
Search

Kahulugan ng mga huling salita ni Hesus bago namatay

Lolet Abania

Napakahalaga ng mga salita na iniiwanan ng ating mga mahal sa buhay. May mga kahilingan, habilin, paghingi ng kapatawaran at higit sa lahat, ang kanilang mensahe ay punumpuno ng pagmamahal. Narito at muli nating alalahanin ang pitong huling wika na ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus.

1. “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Hanggang sa huling sandali, inihingi pa rin ni Hesus sa Ama na tayo ay patawarin sa ating mga kasalanan.

2. “Sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay isasama kita sa Paraiso.” Ang pangako ni Hesus na kung hihingi tayo ng kapatawaran sa ating kasalanan, may katiyakan tayo ng kalangitan sa kabilang buhay.

3. “Ginang, narito ang iyong anak! Narito ang iyong ina!” Ibinibilin ni Hesus sa atin ang pagtitinginan natin sa isa’t isa sa dahilang tayo ay kanya nang iiwan.

4. “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ang katunayan na sa tindi ng sakripisyo at hirap na dinanas ni Hesus, humingi siya ng awa sa Ama, subalit tiniis Siya ng Ama upang maganap ang nakatakda.

5. “Nauuhaw ako!” Nagpapatunay ito na nakaramdam ng pagkapagod at pagkauhaw si Hesus noong siya ay nagkatawang tao sa mundong ito.

6. “Naganap na!” Ito ay nagpapahayag sa atin na ang misyon ni Hesus dito sa lupa ay nagawa at natapos niya.

7. “Ama, sa mga kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” Sa oras ng Kanyang kamatayan, ihinihiwalay na ni Hesus ang kanyang espiritu sa kanyang katawan upang bumalik na sa Ama.

Ang kabuuan ng huling pitong wika ni Hesus ay ang labis na pagmamahal ng Ama sa atin na dahil dito kinakailangan ng kamatayan ng Panginoong Hesus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Marapat lang na lagi nating alalahanin at isapuso na ganito tayo kamahal ng Diyos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page