Katanungan
Sadya bang nakaguhit sa palad ang kahirapan? Mula pagkabata, nakapag-asawa at nagka-anak na ako ay hindi pa rin ako umaasenso at makaahon-ahon sa kahirapan. Minsan napapaisip na lang ako na siguro ito talaga ang kapalaran ko– ang mamatay nang hindi man lang nakaaahon sa kahirapan.
Sa palagay mo, Maestro, sa lima naming mga anak, may isa kaya sa kanila ang yayaman at uunlad pagdating ng araw? Ang mga anak ko na lang ang nakikita kong pag-asa para matupad ang aming pangarap na umunlad ang aming buhay.

Kasagutan
Hindi nakaguhit sa mga palad ng tao ang kahirapan. Ang mas nakikitang nakaguhit dito ay ang katamaran at kawalan ng aksiyon para matupad ang mga pangarap sa buhay. Ganu’n ‘yun!
Pansining parehong “sloping” at mahaba ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda na sa kasalukuyan, kulang na kulang ka sa praktikalidad at pagkilos. Sabihin na nating may pangarap ka at magagandang mga ambisyon sa buhay, ngunit tulad ng nasabi na, dahil sloping at mahaba ang iyong Head Line at nagkataon pang Pisces ang iyong zodiac sign, tanda na hindi mo naman kayang ipatupad at bigyan ng kaganapan ang iyong mga pangarap.
Dahil dito, hindi naman sinasabing wala ka nang pag-asa na umunlad, sa halip, kailangang matagpuan sa guhit ng mga palad ng iyong mister ang isang simple at tuwid na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.). Subalit kung hindi ganyan ang Head Line sa kaliwa at kanan niyang palad, tulad ng iyong inaasahan, wala na ngang pag-asang umunlad at umasenso pa ang inyong pamilya, maliban na lang kung isa sa mga anak mo ay nagtataglay ng simple at straight na Head Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan niyang palad.
Ibig sabihin, sinuman sa mga anak mo ang pinagkalooban ng nasabing Head Line (arrow b.), tiyak ang magaganap sa tamang panahon at sa darating pang mga taon ng kanyang buhay, posibleng siya ang anak na mag-ahon sa inyo sa kahirapan.
Mga Dapat Gawin
Tandaang kapag pagyaman at materyal na bagay ang tinatanong, napakahalaga ang porma o pagkakaguhit ng Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad. Halimbawa nito ay ang tuwid at maikling Head Line (arrow b.) at kailangang may tigas, kapal, talbog at enerhiya ang kaliwa at kanang palad kapag ito ay kinapa o sinalat-salat. Ito ay maliwanag na tanda na may enerhiya at lakas ng loob ang nasabing indibidwal upang ipatupad ang anumang nais niya sa buhay hanggang sa tuluyan na siyang umunlad at yumaman.
Samantala, Rose Anne, ayon sa iyong mga datos, sa darating pang mga taon, sa 2024 sa edad mong 56 pataas, may hindi inaasahang suwerte ang darating sa iyong buhay na may kaugnayan sa materyal na bagay na magdudulot ng kaginhawahan sa inyong pamilya (Drawing A. at B. F-F arrow c.). Ito ay maaaring makapag-abroad ang isa sa iyong mga anak na magiging daan upang unti-unti na kayong makaahon sa kahirapan hanggang sa tuluyan na ring umunlad at bahagyang umangat ang buhay ng inyong pamilya hanggang sa unti-unti na ring yumaman.