Pumanaw na ang vice mayor ng Jalajala, Rizal makalipas ang isang linggo nang siya'y matukoy na positibo sa Coronavirus Disease 2019.
Kinumpirma ng anak ni Vice Mayor Jolet delos Santos na si Jom sa kanyang Facebook account ang pagpanaw ng lokal na opisyal.
"Napakasakit po sa aming buong pamilya ang biglaang pagkawala ng Ama ng ating bayan. Wala pong salita ang katumbas kung gaano kasakit at kahirap na hindi siya makita hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Ito po ay sa kadahilanang personal niyang hiling na ayaw niyang malagay ang kanyang pamilya sa panganib," ayon kay Jom.
Sa kabila ng pagpanaw ay ayaw muna ng pamilya Delos Santos na magdaos ng anumang pagtitipon ngayong nahaharap pa sa krisis ng COVID-19 ang bansa.
Una nang natukoy na positibo sa coronavirus si Delos Santos noong Marso 25 at nagsimula na rin noon na mag-isolate.