Nagpahiwatig ang isang opisyal ng Organizing Committee ng Japan na walang pagbabagong magaganap sa petsa ng Tokyo Olympics sa 2021.
Inihayag ni committee president Yoshiro Mori na maaaring manatiling binansagang “Summer Games” ang laro lalo pa’t ito na ang nakasanayang season ng Olympics sapol pa noon.
“The games are meant to be in summer, so we should be thinking of a time between June and September,” wika ni Mori sa Japanese news agency na Kyodo.
Sa nakalipas na anunsyo naman ni International Olympic Committee (IOC) head Thomas Bach, sinabi nitong may posibilidad na gawin ang pinakamalaking multi-sports event sa spring o Agosto.
Iminungkahi ni Mori na maaaring mapag-usapan ang gagawing desisyon sa Hulyo o Agosto ng organizing committee executive board sa oras na magharap ang mga ito sa isang meeting. Dito malalaman ang pinal na desisyon sa pagitan ng mga lokal na organizers at ng IOC, daan-daang sponsors, sports federations at broadcasters.
Napilitan ang lahat ng atleta sa buong mundo na itigil pansamantala ang kanilang pagsasanay bunsod ng pagkalat ng coronavirus pandemic. Kahit pa man iyong may kakayanan na makapag-ensayo ay hindi malaman kung paano ibabalik sa tamang panahon ang standard ng kalakasan ng katawan ng mga ito.
Kumbinsido sina Mori at organizing committee CEO Toshiro Muto na kinakailangan ng napakalaking halaga na tatayang aabot sa $2-3 billion bilang dagdag gastos ng pamahalaan ng Japan sa paglilipat ng quadrennial meet.
Inamin mismo ng Tokyo organizers na nagkagasta na sila ng $12.6 billion para lamang itatag ang Tokyo Games.