Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng kanser sa baga ang kapatid ko at ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay sa edad na 41. Malakas siyang manigarilyo noong nabubuhay pa siya kaya sa palagay namin, ang bisyong ito ang sanhi ng kanyang sakit. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito dahil malakas din manigarilyo ang asawa ko pero wala naman daw siyang nararanasang anumang sintomas.
– Angela
Sagot
Ang mga pangunahing sintomas ng kanser sa baga ay nangyayari sa mga sintomas ng iba’t ibang uri ng sakit sa baga. Upang gumaling mula sa kanser sa baga, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy at iba pa.
Ang kanser sa baga ay nahahati sa dalawang uri – small cell lung cancer at non-small cell lung cancer.
Small cell lung cancer (SCLC). Bagama’t hindi ito ang pinakalaganap na uri, itinuturing na SCLC ang pinakamapanganib sapagkat makararamdam lamang ang pasyente ng mga sintomas kapag ito ay malala na.
Non-small cell lung cancer (NSCLC). Ito ay itinuturing na pinakalaganap na uri ng kanser sa baga. Bukod dito, nahahati sa tatlong uri ang sakit na ito:
Adenocarcinoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng NSCLC. Nagkakaroon nito kapag labis na naninigarilyo ang tao. Subalit, maging ang mga hindi naninigarilyo ay posibleng magkaroon nito. Kadalasan, ang maliliit na bukol ng kanser sa baga ay tumutubo sa may bandang labas o tagiliran ng mga baga. Bagama’t pinakalaganap na uri, ito ay may malaking posibilidad na gumaling kaysa sa ibang uri ng kanser sa baga.
Squamous cell carcinoma. Ang cancer ay nag-uumpisa sa bandang gitna ng mga baga. Sa paglala nito, ito ay unti-unting lumalaki at kumakalat sa mga lymph node. Ang lymph node o kulani ay bahagi ng katawan na tumutulong upang labanan ang iba’t ibang uri ng impeksiyon at sakit. Kapag ito ay naapektuhan ng kanser sa baga, ang pasyente ay mas magiging sakitin.
Large cell carcinoma. Ito ay halos natutulad sa adenocarcinoma. Subalit, imbes na maliliit na bukol ay malalaki ang mga bukol nito. Ang large cell carcinoma ay mabilis ang pagkalat at posible ring maka-apekto ng mga lymph node.
Mga sanhi:
Paninigarilyo.
Paglanghap ng usok ng sigarilyo
Pagkalantad sa asbestos
Pagkaka-expose sa radon gas
Madalas na paglanghap ng maruming hangin
Iba pang karamdaman sa baga.
Medical history ng pamilya.
Mga sintomas:
Hindi mawala-walang pag-ubo
Pag-ubo nang may kasamang dugo
Pagkapaos
Hirap sa paghinga
Paninikip ng dibdib
Biglaang pangangayayat
Labis na panghihina
Pagkakaroon ng mga bukol malapit sa balikat
Paninilaw ng balat
Pananakit ng mga buto at kasu-kasuan
Pamamanhid