top of page
Search

Dodong Diamond, may two seats sa championship round

Eddie M. Paez, Jr.

Hindi umubra ang mga kinatawan ng iba’t-ibang lahi gayundin ang mga malulupit na kababayan sa kislap ng paglalaro ni Pinoy hotshot Zorren James “Dodong Diamond” Aranas at tuluy-tuloy itong nakahablot ng isa sa dalawang upuan sa championship round ng maigting na $100,000 Diamond Las Vegas Open sa palaruan ng Rio Hotel Casino sa Las Vegas, Nevada.

Tuluy-tuloy naman nang nag-alsa balutan ang iba pang mga kinatawan ng Pilipinas tulad nina 2017 World Games gold medalist Carlo “Black Tiger” Biado, 2011 World 8-Ball king Dennis ”Robocop” Orcullo, batikang si Warren “The Warrior” Kiamco, 2010 World 9-Ball titlist Francisco “Django” Bustamante, Jeffrey “Bata” De Luna at Edgie Geronimo matapos silang makatikim ng tigalawang pagkatalo sa paligsahang umakit ng may 128 na de-kalibreng manunumbok mula sa maraming bahagi ng daigdig. Wala na rin sa eksena ang dating world 9-ball champion mula sa Isabela na si Alex “The Lion” Pagulayan na ngayon ay kumakatawan na sa Canada.

Hindi na rin nakaporma para sa korona sina World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 Shane Van Boening (U.S.A.), ang kasalukuyang hari ng 10-Ball sa buong mundo na si Taiwanese Ping Chung Ko, ang kapatid nito at 2015 World 10-Ball winner Pin Yi Ko at ang 2018 World 9-Ball ruler na si Joshua Filler(Germany).

 
 

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page