Aarestuhin ng mga pulis ang mga susuway sa ipatutupad na community quarantine sa Metro Manila na magsisimula bukas, Marso 15.
Ayon kay National Capital Region Police Office Director, Police Maj. Gen. Debold Sinas, tukoy na kung saan-saan magtatalaga ng checkpoints, kailangan na lamang itong aprubahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
“Once someone violates the quarantine and enter the region, people would be charged with violation of quarantine law and the Revised Penal Code. Para alam nila ‘pag nag-violate ka, huli ka,” paliwanag ni Sinas.
Wala na rin umanong pakikipag-usap sa mga violator.
“Ano ang gagawin naming dialogue? Those who will violate will be arrested, kasuhan namin once na may mag-violate,” pahayag ni Sinas.
Ang maaarestong violators ay dadalhin at ikukulong sa lokal na pulisya kung saang lugar niya ginawa ang kasalanan.
Samantala, ang Regional Mobile Force Battalion ang siyang magbabantay sa mga checkpoints sa Metro Manila patungo sa ibang rehiyon.
Asahan na rin umano ang grabeng trapik kapag sinimulan na ang community quarantine.
Samantala, susundin naman ng pulisya ang mga kautusan tulad ng pagpapapasok sa mga manggagawa na ang trabaho ay sa Metro Manila subalit, nakatira sa karatig probinsiya.