top of page
Search
Mylene Alfonso

Mga bata, bawal sa computer shop


Sinuyod ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), ang iba’t ibang computer shop at mga kalsada at pinauwi ang mga kabataan na nakitang naglalaro at nasa mga kalsada sa ilang lugar sa Maynila.

Nabatid na daan-daang kabataan ang napauwi sa kani-kanilang bahay at maging ang may-ari ng computer shop ay pinagsabihan din ng SMaRT.

Nabatid na nagbigay ng direktiba si SMaRT Chief Police Major Rosalino Ibay, Jr., sa kanyang mga tauhan na suyurin ang kahabaan ng Bilibid Viejo, Loyola, Quiapo at San Marcelino upang sitahin ang mga estudyante na patuloy na pumupunta sa mga pampublikong lugar at bigyan sila ng babala bago pauwiin.

Ito umano ay alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang mga klase sa buong Metro Manila dahil sa banta ng COVID-19.

Nanawagan din si Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga estudyante na seryosohin ang banta ng COVID-19 sa lungsod at iwasang lumabas kung hindi naman kinakailangan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page