Nitong nakaraang araw, nabulgar na positibo sa COVID-19 ang isa sa mga naging resource person sa isinagawang pagdinig sa Senado ng Committee on Basic Education na pinamumunuan ng ating kaibigan at kasamahang si Sen. Sherwin Gatchalian, na dinaluhan naman ng isa pang kasamahan nating si Sen. Nancy Binay.
Dahil d’yan, nagpahayag ang dalawang butihing senador na mas minabuti nilang mag-self-quarantine, gayundin ang kani-kanilang staff. At dahil tayo ay may mga kaliwa’t kanan ding engagements, hindi rin natin sigurado ang ating kalusugan.
Wala tayong anumang sintomas, pero bilang pagsunod sa direktiba ng gobyerno, tayo ay sasailalim din sa self-quarantine. Maging ang ating staff sa Senado ay hindi ko na muna pinapasok bilang pag-iingat.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat natin ang pitak na ito, 52 na ang positive cases ng COVID-19 sa Pilipinas. Ang reaksiyon ng tao — panic. Pati sa palengke, grocery stores, drug stores — nagpa-panic-buying na sila.
Gusto sana nating sabihing hindi sagot ang panic at pagpa-panic-buying sa problemang ito. Huwag tayong masyadong magpadala sa kung anu-anong unverified reports na nagiging dahilan ng matinding pagkatakot.
Magtiwala tayo sa gobyerno lalo na sa Department of Health (DOH). Sa DOH lamang magmumula ang mga opisyal na pahayag, datos at updates tungkol sa mga nangyayari at patuloy pang mangyayari.
Kamakailan, nanawagan tayo sa DOH na maging bukas sa tao hinggil sa kanilang mga aktibidad kaugnay sa mga bagong kaso. Ito ay para maging “aware” ang publiko at mas maging alerto sa kung paano nila pangangalagaan ang sarili at makaiwas sa anumang posibilidad ng impeksiyon.
Nananawagan din tayo sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagsugpo ng karamdamang ito na makipag-ugnayan sa ating tanggapan.
Kung kinakailangan ng mga ahensiyang ito ng budgetary adjustments, maaari nila itong ipaalam sa inyong lingkod bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Finance.
Bagama’t, may mga kaukulan tayong budget sa ilalim ng 2020 National Budget, maaari silang magpanukala ng adjustments sa panahon ng krisis.
At isang maganda ring balita, babalikatin ng PhilHealth ang halaga ng COVID-19 testing. ‘Yan ang ipinahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Nauna riyan, nitong unang bahagi ng Pebrero, base sa PhilHealth Circular 2020-004, kada patient under investigation o PUI ay paglalaanan ng P14,000 bilang isolation package at karagdagang P4,000 para sa pag-aasikaso sa hospitalization ng mga pasyente.
Maraming ginagawang hakbang ang ating gobyerno. Huwag tayong magpadala sa panic. Magtiwala tayo dahil hindi tayo pababayaan ng mga kinauukulan at iwasan nating makinig o magbasa ng fake news. Lahat ay ginagawa ng pamahalaan para sa ating kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com