top of page
Search
Shane Ludovice

Mga babaeng may PCOS, delikado sa stroke, atake sa puso at kanser sa matris


Dear Doc. Shane, Ako ay 37 years old at may asawa pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nagkakaanak. Meron akong PCOS pero hindi na ulit ako bumalik sa doktor para makapagpa-check-up. May posibilidad ba na mabuntis ako dahil may nakapagsabi sa akin na hindi raw nagagamot ang PCOS? - Jeya

Sagot Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ang pinakamadalas na hormonal disorder sa kababaihan.

Narito ang ilan sa mga sintomas na nararanasan ng mga babaeng may PCOS:

  • Hindi regular o paghinto ng regla.

  • Hindi mabuntis o magkaanak.

  • Pagtaba — karaniwan na lumalapad ang waistline o ang tinatawag na abdominal obesity kung saan mas maraming taba sa may baywang, pero puwede ring magkaroon ng PCOS ang babaeng payat o normal ang timbang.

  • Pagkakaroon ng maraming taghiyawat (acne).

  • Sobrang buhok sa mukha o katawan — karaniwan sa mga parte na kadalasang walang buhok ang babae tulad ng sa ibabaw ng labi na parang bigote o sa dibdib.

  • Pagnipis ng buhok (tulad ng pagkalbo sa mga lalaki).

Tinawag ang kondisyong ito na polycystic dahil karaniwang may mga cyst ang obaryo ng mga babaeng may PCOS pero hindi kanser ang mga ito.

Marami sa mga kababaihang may PCOS ay inire-refer sa endocrinologist dahil may kaakibat itong ibang mga problemang pangkalusugan tulad ng mga sumusunod:

  • Insulin resistance — nahihirapang matunaw ang asukal sa dugo kapag may insulin resistance. Ito ay maaaring tumuloy sa Type 2 diabetes.

  • Mababang level ng HDL o good cholesterol at mataas na level ng LDL o bad cholesterol. Mataas din ang triglycerides. Dahil dito, tumataas ang peligro ng mga babaeng may PCOS na magkaroon ng atake sa puso o stroke.

  • Obstructive sleep apnea (OSA). Ang mga babaeng may PCOS at overweight ay maaaring magkaroon ng OSA kung saan patigil-tigil ang paghinga habang natutulog. Kaya may mga pagkakataong paggising nila ay parang pagod na pagod pa rin dahil hindi maganda ang kalidad ng pagtulog dahil bumababa ang oxygen sa dugo habang natutulog at naiipon naman ang carbon dioxide.

  • Dahil irregular ang regla, puwedeng kumapal ang lining ng matris. Huwag itong pabayaan para hindi mauwi sa endometrial cancer o kanser sa lining sa matris.

Wala pang gamot para gumaling o mawala ang PCOS, pero may mga inireresetang gamot ang doktor para maging maayos ang regla at mabuntis.

Gayundin, kailangan ng tamang pagkain at ehersisyo para pumayat at maiwasan ang diabetes at maging normal ang level ng kolesterol.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page