Sumuntok ng gold medal si 2019 World Amateur silver medalist Eumir Felix Marcial, habang umukit ng kasaysayan si Pinay pug Irish Magno nang maging kauna-unahang babae na makapasok sa 2020 Tokyo Olympics sa pagtatapos ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.
Naungusan ng 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City ang pambato ng Kazakhstan na si Abilikham Amankul sa pamamagitan ng 3-2 split decision para sa men’s under-75kgs category title, upang magsilbing bonus kasunod ng pagkuha nito ng ticket para sa Summer Games na gaganapin simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Kasabay ng panalo ni Marcial ay nagawa ring mailista ni Magno ang pangalan para sa 2020 Tokyo Games matapos manaig laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan via unanimous decision sa women’s under-51kgs flyweight division box-off.
Mapapasama ang 30th Southeast Asian Games medalist bilang ikaapat na atleta ng bansa na nakapasok sa Summer Games kasunod nina Pole Vaulter Ernest “EJ” Obiena at Gymnast Edriel “Caloy” Yulo.
Ilang kumbinasyong kaliwa’t kanan ang ipinukol ni Magno para pangunahan ang 1st round sa 5-0, habang hindi na hinayaan pa nito na makasabay ang Tajikistan lady boxer sa kanya at tapusin ang laban ng may dominasyon.
“Sobrang happy po, thankful and blessed po ako sa pagkapanalo ko po,” wika ni Magno sa panayam ng BULGAR sa social media. “Sabi po sa akin ng coaches ko na laruin ko lang po iyong laro ko at every round kung ano po iyong sinasabi ni coach (Reynaldo) Galido sa corner, iyon po iyong ginagawa ko,” dagdag ni Magno.
Ipinakita ng biennial meet champion na si Marcial ang kanyang lakas at bilis upang higitan ang Kazakh boxer sa simula pa lang ng unang round kung saan inilabas nito ang malalakas na kanan at diretsong suntok. Nanatiling nanlaban si Amankul kay Marcial nang magpamalas din ito ng kanyang opensa, ngunit tila mas matindi ang pagnanasa ni Marcial na magwagi sa laban kung kaya’t ibinigay ng mga hurado ang panalo rito na naglunsad sa kanya bilang kampeon ng middleweight. “So very happy, despite my struggle, my trials, nothing is impossible to God. My team mates, my coaches, they know what my struggles and my trials, but I get my Gold medals so thank you much,” wika ni Marcial sa panayam sa kanya matapos ang laban.