Apat na kongresista ang nag-self quarantine bilang bahagi ng pag-iingat na lumaganap ang COVID-19.
Si Davao City Rep. Isidro Ungab ay nagboluntaryong magpa-quarantine matapos makasalamuha ang naka-self quarantine rin ngayon na si Sen. Sherwin Gatchalian.
Nagkaharap ang dalawa matapos dumalo si Ungab sa kanyang kumpirmasyon bilang colonel ng Philippine Army Reserve kasama si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Naka-quarantine din sina Valenzuela City Rep. Eric Martinez at Navotas City Rep. John Reynald Tiangco dahil kabilang sila sa mga dumalo sa inspeksiyon sa North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link C3-R10 section noong Marso 5 na pinangunahan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade.
Si Iloilo City Rep. Julienne Baronda naman ay halos maghapon na nakasama si Tugade noong Marso 10 para asikasuhin ang pakikipagpulong nito sa mga kongresista bilang vice-chairperson ng House Committee on Transportation.
Nakipagpulong din umano siya kay Budget Sec. Wendel Avisado tungkol sa mga proyekto nito sa Iloilo City.
Sa ngayon ay wala pa naman umanong nararamdamang sintomas ng COVID-19 ang mga mambabatas.