Palagi nilang sinasabi na kapag aalis o may pupuntahan ang isang babae, dapat meron itong kasama para mas secured. Aminin man natin o hindi, mas maraming kinahaharap na judgments at issues sa society kapag nagta-travel nang solo ang babae kumpara sa mga lalaki.
May iba’t ibang misconceptions kung bakit nila ito ginagawa — kesyo malungkot, broken-hearted, nagmu-move on etc.. Pero sa totoo lang, maraming dahilan kung bakit kailangang ma-experience ng kababaihan ang pagta-travel nang solo. Tulad na lamang ng mga sumusunod:
1. MAS MAKIKILALA MO ANG IYONG SARILI. Sabi nila, bawat isa ay may kani-kanyang personalidad kapag kasama ang kaibigan, pamilya at iba pang mahal sa buhay. At dahil sa madalas na pakikisalamuha natin sa kanila, may mga pagkakataong nakalilimutan natin kung sino talaga tayo kapag wala sila. Ang pagta-travel ay isang magandang oportunidad para makapag-‘soul searching’ o mas kilalanin pa ang iyong sarili. Sa pagkakataong ito, paniguradong marami tayong madi-discover sa sarili natin.
2. MAPA-PRACTICE ANG PAGIGING INDEPENDENT. Mapatutunayan natin na kaya natin ang isang bagay kapag nagawa natin ito nang mag-isa o hindi inaalalayan ng iba. Sa panahon ngayon, advantage ang pagiging independent at ang pagta-travel nang solo ay isa sa mga paraan upang ma-practice natin ito.
3. MAKATUTULONG PARA MAKALABAS SA COMFORT ZONE. Marami sa mga kababaihan ang nagdadalawang-isip na bumiyahe nang mag-isa dahil sa paniniwalang masyadong delikado ang paligid. Pero real talk, wala naman nang safe ngayon. Kung palagi nating paiiralin ang takot at hindi tayo mag-e-explore ng mga bagay-bagay, hindi tayo makalalabas sa ating comfort zone at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi naggo-grow ang tao.
4. NO TRAVEL BUDDIES, NO DRAMA. Mas mabuti nang mag-isa kesa mag-entertain ng kadramahan o mag-intindi ng iba. Marahil, isa sa mga dahilan kung bakit tayo lalarga nang mag-isa ay para ma-refresh sa iba’t ibang toxic sa paligid. Walang masama kung bibigyan natin ng time ang ating sarili at saka na muna ang iba.
5. PARA MAKAKILALA NG IBANG TAO. Kung pupunta tayo sa isang lugar na minsan pa lang natin pupuntahan, hindi lamang bagong experience ang ating matututunan kundi makakikilala rin tayo ng iba’t ibang tao. Siguradong may iilan sa mga ito na makapagbibigay sa atin ng mga bagong kaalaman at karanasan na magagamit natin sa buhay para mas maging better tayo.
Totoo naman na masayang mag-travel kasama ang kaibigan, pamilya at iba pang mahal sa buhay. Pero ang pagta-travel nang mag-isa ay magbubukas ng pinto para sa atin na hindi natin ini-expect na meron pa pala. Gawin nating mas kapaki-pakinabang ang life natin dahil ‘ika nga, YOLO! “You Only Live Once”. Pero kung magagawa mo ito nang maayos at tama, sapat na ang isang beses. Gets mo?