Dear Doc. Shane, Madalas akong bumabahing lalo na sa umaga. Sobrang kati ng ilong ko sa umpisa tapos nagiging tuluy-tuloy na. May nakapagsabi sa akin na baka raw may allergic rhinitis ako. Nais kong malaman kung ano ang mainam na gamot na dapat kong inumin para rito? - Jay
Sagot Kung ikaw ay sinisipon sa umaga, nangangati ang ilong, palaging barado ang ilong, posibleng ikaw ay may allergic rhinitis.
Ang allergic rhinitis o allergy sa ilong ay kondisyon na dulot ng hindi pagkahiyang ng ating katawan sa mga bagay sa kapaligiran tulad ng pollen ng mga talahib at ibang halaman, alikabok sa bahay, balahibo ng aso, pusa at iba pa.
Sa karaniwang tao, walang naidudulot na sintomas ang mga bagay na ito kapag ito ay nasinghot o pumasok sa ilong. Ngunit, sa taong may allergic rhinitis kapag nasinghot o pumasok sa ilong ang mga bagay na ito, labis ang reaksiyon ng katawan upang labanan sila, naglalabas ang katawan ng kemikal na histamine.
Ano ang sintomas ng allergic rhinitis?
Pamamaga at pangangati ng ilong
Pagbara ng ilong
Labis na paghatsing o pagbahing
Labis na sipon o uhog
Nangyayari ito tuwing nalalanghap ng taong may ganitong kondisyon ang mga bagay na allergic sila.
Ano ang mga lunas upang hindi lumala ang allergic rhinitis?
Anti-histamine. Gamot na nakalulunas sa histamine upang hindi magkaroon ng sintomas ng allergic rhinitis.
Decongestant. Gamot na nag-aalis ng sipon na bumabara sa ilong.
Nasal steroid. Para sa mas malalang kaso, pinipigilan ang pamamaga ng ilong.
Makabubuting magpakonsulta agad sa doktor kung tayo ay nakararanas ng mga sintomas ng allergic rhinitis upang maeksamin nang husto at mabigyan ng sapat na lunas.
Huwag basta gamutin ang sarili o iwasan ang self-medication dahil kailangan pa rin ang payo ng doktor.