Masarap uminom ng tubig, lalo na kung malamig dahil ito ay lubos na nakatutulong sa ating katawan kaya naman, hanggang sa sasakyan ay meron tayo nito. Okay na okay ‘yan, para ‘pag nauhaw ay hindi na kailangang huminto sa biyahe at bumaba ng sasakyan para bumili ng tubig.
Ngunit, alam n’yo ba na ang bottled water ay isa rin sa mga puwedeng maging dahilan ng sunog sa inyong sasakyan? Paano?
Ayon sa mga eksperto, ang pag-iiwan ng bottled water sa sasakyan sa loob ng mahabang oras habang tirik na tirik ang araw ay hindi makabubuti sa kalusugan kapag ininom at may tsansa rin na maging sanhi ng sunog dahil sa kemikal ng plastic bottle.
Halimbawa nito ang nangyari sa U.S. kung saan ayon sa may-ari ng kotse, habang nakaupo siya sa driver’s seat ay napansin niya na may umuusok sa tabi niya.
Sa patuloy na pag-iimbestiga, napag-alaman ng mga awtoridad na ito ay nagmula sa bottled water na nasisinagan ng araw na nagresulta sa pagkabutas ng kanyang upuan. Pinag-aralan din ng Fire Department sa Oklahoma ang pangyayaring ito dahil matagal na nababad sa initan ang bottled water.
Ang tubig na nasa loob ng bote ay direktang nasisinagan ng araw kaya nagkakaroon ng chemical reaction na tulad sa magnifying glass na kapag nakatutok sa sinag ng araw ay umiinit hanggang sa mabuo ang apoy.
Dahil dito, malaki ang tsansa na pagmulan ito ng sunog kaya huwag hayaang nakababad sa initan ang bottled water.
Kaya para sa mga mahilig mag-stock ng tubig sa sasakyan, alam n’yo na, ha? Wala namang masama kung magdadala kayo ng tubig sa sasakyan, pero siguraduhing iiwasan ang mga nabanggit para sa inyong kaligtasan. Okie?