top of page
Search
A. Servinio

Kaya Iloilo, tabla, reresbak sa walang crowd na field


Photo: @AFCCup

Uuwi ang Kaya Iloilo ng Pilipinas dala ang tabla sa laban nila ng PSM Makassar, 1-1, noong Martes sa Gelora Bung Karno Madya Stadium sa pagbabalik ng aksyon sa 2020 AFC Cup. Hindi nagamit ng mga Pinoy ang lamang nila sa tao at dahil sa resulta, bumagsak sila mula sa pangunguna ng Grupo H.

Napantay ni Eric Giganto ang iskor sa ika-50 minuto gamit ang kanyang ulo matapos tumanggap ng perpektong lobong pasa galing kay Ariel Amita. Mula roon, panay ang atake ng Kaya subalit hindi nagbunga ito sa harap ng depensa ng PSM.

Maagang pinalabas sa laro si defender Dedy Gusmawan ng PSM matapos bigyan ng dalawang magkasunod na yellow card ng referee sa ika-walo at ika-10 minuto. Unang binigyan ng malakas na foul ni Gusmawan si Masanari Omura at matapos ang dalawang minuto ay inulit niya ito kay Takumi Uesato at napilitang maglaro ang PSM na 10 tao na lang sa sumunod na 80 minuto.

Kahit dehado sa tao, nagawa pang maka-unang goal ang PSM matapos kumalas sa depensa si Osas Saha sa ika-22 minuto. Ito na rin ang unang beses sa torneo na nalusutan ng bola si goalkeeper Louie Michael Casas matapos blankahin ang kalaban sa unang dalawang laro.

Hindi pinapasok ang publiko para sa laro ng Kaya at PSM sa utos ng pamahalaang Indones bilang pag-ingat sa pagkalat ng coronavirus. Magkikita muli ang dalawang koponan sa susunod nilang laban sa Abril 15 sa Rizal Memorial Stadium.

Samantala, naglalaro kagabi sa saradong Rizal Memorial ang Ceres Negros ng Pilipinas at Bali United ng Indonesia para sa liderato ng Grupo G habang isinusulat ito. Napagpasyahan na walang manonood ayon sa konsultasyon sa Philippine Sports Commission, Philippine Football Federation, Kagawaran ng Kalusugan at Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Laro sa Abril 15 – Rizal Memorial Stadium 7:00 p.m. Kaya Iloilo vs. PSM Makassar.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page