top of page
Search
Eddie M. Paez, Jr.

Django, Orcullo at Biado, start na sa world 10-Ball


Sasargo na ang malupit na panghimagas ng World 10-Ball Championship na tinaguriang 2020 Diamond Las Vegas Open sa Rio Hotel Casino ng Las Vegas, Nevada ngayong Huwebes, Marso 12 (oras sa Pilipinas).

Maraming mga bigating aspirante mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig, kabilang na ang Pilipinas ay lumapag na sa lugar para makapag-unat-unat sa Diamond Open bilang paghahanda sa World Pool Billiards Association 10-Ball tournament na gaganapin sa susunod na linggo.

Nangunguna sa mga aatakeng Pinoy ay si Dennis “Robocop” Orcullo.

Hindi pa tapos ang unang tatlong buwan ng taon pero apat na korona at tatlong iba pang podium performances na ang nairehistro ng 41-taong-gulang na manunumbok mula sa Bislig, Surigao.

Sa malupit na Derby City Classic (DCC), naghari siya sa 9-Ball Banks at sa karera para sa Master of the Table habang walang nakatapat sa tikas niya sa Music City Challenge (MCC) Midnight Madness at sa Texas 10-Ball Open. Nahablot din niya ang runner-up honors sa MCC 9-Ball Open Division maliban pa sa pagkuha ng pangatlong puwesto sa DCC 9-Ball Division at sa Andy Mercer Memorial.

Maliban kay Orcullo, 10-Ball SEA Games gold medalist at frontrunner sa AZBilliards moneyboard, hahataw din ang iba pang kinatawan ng lahing-kayumanggi tulad nina dating World Games at World 9-Ball king Carlo “Black Tiger” Biado, Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Francisco “Django” Bustamante, ang simbolo ng bagong henerasyon ng Philippine billiards Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, isa pang BCA Hall of Famer Alexander “The Lion” Pagulayan, dating world 9-ball championships 2nd placer Roland Garcia, Edgie Geronimo at Jeffrey De Luna.

Nakaharang naman sa kanilang ambisyon sina WPA no. 2 Joshua Filler (Germany), Chang Jung-Lin (Taiwan), Fu Che-Wei (Taiwan), Aloysius Yapp (Singapore), defending titlist Niels “The Terminator” Feijen (Netherlands), Hohmann Thorsten (Germany), Ralf Souquet (Germany), Mika “The Iceman” Immonen (Finland), Alexander Kazakis (Greece), Konrad Juszczyszyn (Poland), Chirs Melling (Great Britain), Oi Naoyuki (Japan), Albin Ouschan (Austria), Jayson Shaw (Scotland), David Alcaide (Spain) at Ruslan Chinahov (Russia).

Nariyan din ang mga pambato ng punong-abala Corey Deuel, Earl “The Pearl” Strickland, Billy Thorpe, Skyler Woodward at WPA no. 3 Shane Van Boening.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page