Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang COVID-19, nagpahayag ng kahandaan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagutin ang halaga ng paggamit ng test kits sa mga ospital upang ibsan ang agam-agam ng publiko.
Ito ang ibinunyag nitong Miyerkules ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na siyang nagkumpirma na ang COVID-19 tests sa mga ospital ay sasaklawin ng PhilHealth, maliban pa sa gastusin para sa quarantine at isolation.
“Batid ng Pangulo ang pag-aalala ng taumbayan sa COVID-19 at ang banta nito sa kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, lalo na ang mga nakatatanda,” ayon kay Nograles na kasapi sa Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (TF EID).
Ibinahagi ng opisyal ng Palasyo na ipinaalam sa kanya ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na kasalukuyang pinoproseso ng ahensiya ang pormalidad ng nasabing ayuda at ang detalye ng pangangasiwa ng bagong benepisyong ito.
Sinabi rin ni Nograles na pinagsisikapan ng gobyerno ang pagtitiyak na magkaroon ng sapat na bilang ng testing kits upang mabilis na matukoy at magamot ang mga dinapuan ng COVID-19.
Aniya, mayroon ding mga pribadong ospital na nagpahayag ng kanilang kahandaang makilahok sa field validation at ang NIH ay umaasang makahihingi ng approval mula sa ethics committee para sa field validation.