top of page
Search
V. Reyes

Ahensiya para sa OFWs, lusot na


Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang paglikha ng Department of Overseas Filipinos and Foreign Employment.

Sa botong 173 pabor, 11 ang tutol, lumusot na ang House Bill 5832 na layong magkaroon ng pangunahing ahensiya na gagarantiya ng proteksiyon at matututukan ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ikinakatwiran ng mga nagtulak ng panukala ang pangangailangan na may iisang departamento ng gobyerno ang nakabantay sa sitwasyon at agarang matatakbuhan ng mga Pilipino na nasa abroad sakaling maharap sa anumang problema.

Ang pagpupursige ng pagbuo ng Department of Overseas Filipinos ay kasunod na rin ng mga trahedyang kinasapitan ng ilang OFWs sa Kuwait at Singapore.

Ilan din sa mga problemang kinahaharap ng mga OFWs ay ang illegal recruitment, pang-aabuso ng kanilang employer, sexual abuse, kakulangan ng mga benepisyo at serbisyo para sa mga itinuturing na bagong bayani ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, maililipat na sa DFO ang mga trabaho ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA); Commission on Filipinos Overseas (CFO); lahat ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa ilalim ng DOLE ; International Labor Affairs Bureau (ILAB) ng DOLE; Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Social Welfare Attachés Office (SWATO) ng DSWD.

Magiging attached agency naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Lilikhain din ang P5 bilyong Assistance-to-National Fund para sa mga Filipinos Overseas na nahaharap sa problema.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page