Suspendido muna ang dalaw sa mga piitan sa Metro Manila, gayundin sa ibang rehiyon sa bansa bilang bahagi ng pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Epektibo alas-12:00 kahapon ng tanghali, hindi muna papayagan ang sinumang bibisita sa 42 piitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa National Capital Region.
Pansamantala ring pinagbawalan ang pagbisita sa mga kulungan ng BJMP sa Regions I, III (lahat ng kulungan sa Bulacan, Angeles District Jail Male at Female Dormitories sa Pampanga; Cabanatuan City District Jail; Talavera Municipal Jail; at San Jose City District Jail sa Nueva Ecija), Region IV-A (Cavite; Cainta, Binangonan at Antipolo sa Rizal; Cabuyao, Calamba at San Pablo sa Laguna) at Region XI.
Nauna nang inianunsiyo ng Bureau of Corrections (BuCor) ang suspensiyon nito ng pagbisita sa New Bilibid Prison at iba pang prison at penal farms sa loob ng isang linggo dahil sa COVID-19 scare. Ito ay sa kabila na walang preso ang nagpakita ng sintomas ng virus.
Kasabay nito, isinaaktibo rin ng BJMP ang national task force COVID-19 upang masigurong ligtas ang mga bilanggo sa sakit.
Iniutos na rin ni BJMP Chief Jail Director Allan Iral na gamitin ang lahat ng resources at mabilis na maipatupad ang mga hakbang kontra coronavirus.