top of page
Search
Gerard Arce

Paalam at Magno, box offs; Marcial, haharap sa semis


‘Last Filipino Standing’ si Tokyo Olympics-bound at 2019 World Amateur boxing silver medalist Eumir Felix Marcial sa pagharap nito sa semifinal match ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.

Nag-iisa na lang ang 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City na lalaban na Pinoy boxer sa semis matapos malaglag ang apat pang pambato ng National Team. Kakaharapin ni 30th SEAG champion sa semifinal round si Ashish Kumar ng India. Sakaling manaig si Marcial sa semis ay kakalabanin niya ang magwawagi kina 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalists Abilkhan Amankul ng Kazakhstan at Tanglatihan Tuoheta Erbieke ng China sa championship round.

Naging masaklap ang resulta para sa pambansang koponan nang mahulog sa quarterfinal bout si World women’s champion Nesthy Petecio sa karibal nitong si Sena Irie ng Japan via 1-4, split decision sa under-57kgs Featherweight class.

Naging matagumpay agad sa unang round ang Japanese boxer matapos makuha ang 3-2 lead dahil sa estilong orthodox na tila nagpahirap at nangapa si biennial meet champion. Muli pa ring ipinamalas ng 19-anyos na si Irie ang counter-punching para pahirapan si Petecio. Sa kasawiang-palad ay nabawasan pa ng puntos ang world champion dahil sa sobrang paghawak kung kaya’t napuntang muli ang puntos kay Irie sa 2-3. “Sorry po talo ako. Isang push na lang sana. Kung nasaktan po kayo at nanghihinayang isipin n’yo po ‘yung nararamdaman ko ngayon at iyong panghihinayang. Higit pa sa break up, niliko,” pahayag ni Petecio sa kanyang post sa social media.

Bigo rin ang dalawa pang female boxers na sina Flyweight Irish Magno at Lightweight Riza Pasuit nang matalo kina six-time flyweight world champion at 2012 London Olympics bronze medalist na si “The Magnificent Mary” Mery Kom Hmangte ng India at Wu Sheh Yi ng Chinese Taipei. Naging kontrobersyal naman ang laban ni SEAG light-flyweight gold medalist Carlo Paalam nang matalo sa 1-4 split decision kay 2019 Yekaterinburg World Championships silver medalist Amit Panghal ng India.

Marami ang hindi pumabor sa laro ng Indian boxer sa huling round dahil higit na pursigido si Paalam sa huling round, ngunit nakuha pa rin nito ang boto ng mga hurado sa 1-4 split decision.

Wala man sa semis si Paalam ay lalaban pa rin ito sa Box-Off laban kay Saken Bibossinov ng Kazakhstan na natalo kay Hu Junguan ng China via 0-5. Anim na boksingero ang mabibigyan ng tsansa para sa Asia-Oceania para sa Olympics.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page