Patuloy ang aksiyon sa 2020 AFC Cup ngayong gabi sa tapatan ng Ceres Negros ng Pilipinas at kanilang bisitang Bali United ng Indonesia simula 7:00 p.m. sa Rizal Memorial Stadium.
Sisikapin ng Busmen na manatiling numero uno sa Grupo G bago nila simulan ang kanilang paglakbay para sa nalalabing tatlong laban.
Kagagaling lang ng Ceres sa 2-2 na tabla kontra sa Than Quang Ninh ng Vietnam noong Pebrero 25. Sa kabilang panig, natalo ang Bali sa PKR Svay Rieng ng Cambodia, 1-2.
May sapat na panahon ang Busmen na maghanda at bumawi mula sa laro na masasabing dapat ay naipanalo nila. Mamumuno muli sa atake ng Ceres si kapitan Stephan “Mr. Football” Schrock, Bienvenido Maranon, OJ Porteria, Manny Ott at Robert Lopez Mendy.
Ang Bali ang kampeon ng 2019 Liga 1 at ito ang pangalawang beses nilang lumahok sa AFC Cup sa huling tatlong taon. Ilan sa mga dapat tutukan na manlalaro nila ay ang midfielder na si Stefano Lilipaly at mga forward na sina Muhammad Rahmat, Melvin Platje at Ilija Spasojevic.
Pagkatapos ng laro, darayo ang Ceres sa Bali para sa kanilang rebanse sa Abril 14. Susundan ito ng mga pagbisita sa Svay Rieng sa Abril 29 at TQN sa Mayo 13.
Samantala, naglalaro kagabi habang isinusulat ito, ang Kaya Iloilo at PSM Makassar sa Gelora Bung Karno Madya Stadium sa Jakarta, Indonesia sa aksiyon sa Grupo H. Inutos ng pamahalaang Indonesia na ganapin ang laro na walang manonood dahil sa banta ng coronavirus. Mga laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial Stadium: 7:00 Ceres Negros vs. Bali United.