top of page
Search
Ryan B. Sison

Suspensiyon ng klase dahil sa COVID-19, hindi dahilan para mamasyal


Boses ni Ryan B. Sison

Sinuspinde na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila hanggang sa ika-14 ng Marso bilang precautionary measure sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP), local government units (LGUs) at lahat ng opisyal ng mga barangay na tiyaking walang bata na makikita sa mga pampublikong lugar.

Sinabi ng DILG na base sa pahayag ng Department of Education (DepEd), bibigyan ng homework ang mga mag-aaral habang walang pasok.

Bago ito, unang nagsuspinde ng klase ang ilang lokal na pamahalaan, kaya naman kani-kanyang uwi agad ang mga estudyante, pero may ilan ding pasaway na pinili pang pumunta sa pampublikong lugar kesa umuwi.

Mga Pinoy nga naman, sinuspinde na ang klase para hindi lumabas ng bahay, pero may ilang pumupunta pa sa matataong lugar na hindi man lang naka-facemask, tapos kapag nagkasakit, isisisi sa gobyerno. Tsk!

Ngayong ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya para mapigilan ang pagkalat ng virus, tayo namang publiko ay may dapat ding gawin.

Obligasyon nating mga magulang na i-monitor at pagbawalang lumabas ang ating mga anak at kasabay nito, kailangan nating ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pananatili sa bahay sa panahong ito.

Puwede ring gamitin ang pagkakataong ito para magtulung-tulong na maglinis ng bahay para makasiguradong ligtas ang inyong tinitirhan.

Bagama’t, may mga pagkakataong kailangang lumabas ng bahay, hangga’t maaari ay ‘wag nang isama ang mga bata, gayundin, ‘wag kalimutang maghugas ng mga kamay at paa pagkagaling sa labas.

Patuloy pang tumataas ang bilang ng mga apektadong kababayan natin kaya pakiusap sa lahat, ‘wag nating iasa lang sa pamahalaan ang ating kaligtasan.

Kapag sinabing bawal lumabas at mag-ingat, gawin ito kesa magsisi pa tayo sa huli.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page