Kinagitan ng mayorya ng mga kongresista ang pagtitibay ng House Bill No. 78 o ang pag-amyenda sa Public Service Act na layong mapayagan ang mga dayuhan na makapagmay-ari ng public services sa Pilipinas.
Sa botong 136 pabor, 43 tutol at isang abstain, inaprubahan ang panukala na hihikayat umano sa maraming negosyante na mamuhunan sa sektor ng komunikasyon at transportasyon.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangang hindi bababa sa 60-porsiyento ang pagmamay-ari ng Pilipino sa isang public utility o public service at limitado lamang sa 40% ang foreign ownership. Pero sa ilalim ng House Bill 78, maaari nang magmay-ari at mag-operate ang mga dayuhang kumpanya sa industriya ng komunikasyon at transportasyon. Itinatakda rin na ang public utilities na kailangang mga Pilipino lamang ang pupuwedeng humawak ay sa distribusyon at transmission ng kuryente, gayundin sa water pipeline distribution system at sewerage pipeline.
Iginiit ng mga nagtutulak ng panukala na makatutulong ang New Public Service Act upang makalikha ng maraming oportunidad para sa mga Pilipino bukod pa sa bibilis at bababa ang halaga ng mga serbisyo dahil sa malaking kompetisyon.
Binigyang-diin naman ng mga tutol na ang House Bill 78 ay paglabag sa itinatadhana ng Saligang-Batas na dapat ay limitado lamang sa 40% ang foreign ownership ng mga negosyante sa Pilipinas.