Dahil sa paglaganap ng COVID-19 sa bansa at sa pagdeklara ng public health emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan si San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes sa Department of Education (DepEd) na ipasa na lamang ang mga estudyante at isara na ang lahat ng pampubliko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa.
Maaari rin naman aniyang isaalang-alang na lamang ang mga quiz at homework nitong last quarter na maging batayan sa final grade ng mga estudyante nitong fourth quarter.
“Mula kahapon ay tumatawag ako sa DepEd upang kumuha ng guidance ngunit, hanggang ngayon ay hindi pa ako nabibigyan ng tiyak na sagot,” saad pa ng kongresista. Hindi rin umano ito para i-pressure ang DepEd kundi ito ay para masiguro ang kaligtasan at proteksiyon ng ating mga anak na mas posibleng mahawa sa virus kung sila ay nasa eskuwelahan.