Bagama't sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa lahat ng level sa Metro Manila hanggang Marso 14, dapat pa rin aniyang mag-aral sa kanilang mga bahay ang mga estudyante kasabay ng outbreak ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
“At ngayon kung itong walang klase, would it somehow reduce the number of the victims, if we keep our children sequestered at home and study there,” sabi ng Pangulo.
Kaugnay nito, inatasan niya ang Department of the Interior and Local Government, mga pulis at barangay na tiyaking sumusunod ang mga estudyante.
“Secretary of Education, si Briones, has insisted that they would stay home but study, and we have agreed that DILG at ang pulis will supervise as truant officers,” ani P-Duterte.
Sinabi rin ng Pangulo na maaaring kausapin ng mga pulis at lokal na opisyal ang mga magulang para siguraduhing nagagawa pa rin ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral habang nasa kanilang bahay.
“If they are there, they will be escorted to the parents, and for the parents to be lectured on the responsibilities of being a parent, that the children should study even while they are detained in their respective homes,” paliwanag pa ng Pangulo.
Kaugnay nito, nakatakdang muling magpulong sa Marso 14 ang Inter-Agency Task Force at Metro Manila mayors. Tutol naman ang Pangulo sa panukalang suspensiyon sa trabaho sa gobyerno. “You know, government has to function. We need all, at least now, we need all”.
Samantala, umapela si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa mga may-ari ng malls, movie houses at iba pang public places na huwag papasukin ang mga estudyante sa kanilang establisimyento habang suspendido ang klase kasunod ng pagkalat ng COVID-19.
“Kasi nga kailangan tayong magtulungan. All of us should do something; we should be creative,” wika ng opisyal.“Kasi kapag nakapasok na, nagkaroon pa ng infection, di lalo nang may problema sila,” ayon pa kay Panelo.
Gayunman, nilinaw nito na hindi magiging liable ang mga establisimyento sa sandaling hindi sundin ang panawagan ng pamahalaan.
“Hindi naman. Nakikiusap lang nga tayo, eh,” saad pa ng kalihim.