Dedo ang 38-anyos na lalaki matapos makuryente sa carwash habang naglilinis ng jeep sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng malalang pagkasunog sa katawan ang biktimang si Alexander Bautista.
Sa report kay Valenzuela Police Chief P/Col. Fernando Ortega, alas-8:00 ng umaga habang nililinis ni Bautista ang pampasaherong jeep na pag-aari ng kanyang kapitbahay, sa carwash na itinayo ng biktima sa tapat ng kanyang bahay.
Sinabi sa pulisya ng saksing si John Ray Gargaritano, nag-aalmusal siya sa loob ng kanyang bahay nang makarinig ng sigaw at paglabas niya ng bahay ay nakitang nakabulagta ang biktima sa tabi ng nakaparadang jeep.
Nang itulak ng saksi ang bakal na pinto para tulungan ang biktima ay nakuryente rin umano ito kaya pinatay niya muna ang circuit breaker bago humingi ng tulong sa barangay rescue team na nagsugod sa biktima sa nasabing ospital.