Maghihintay muna bago magsimula muli ang kampanya ng Philippine Azkals para makapasok sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup sa Tsina matapos iutos ng FIFA ang pansamantalang pagliban ng lahat ng mga qualifier ngayong Marso at Hunyo sa gitna ng banta ng coronavirus. Ihahayag agad ng FIFA ang mga bagong petsa ng mga ito oras na bumuti ang sitwasyon.
Apektado ang mga parating na laro ng Azkals kontra Guam (Marso 26), Tsina (Hunyo 4) at Maldives (Hunyo 9) sa Grupo A. Kasalukuyang tabla ang Pilipinas at Tsina para sa pangalawang puwesto na parehong may 7 puntos sa likod ng walang talong Syria na may 15 puntos sa limang laban.
Kahit may utos, nag-iwan ng puwang na matuloy ang mga laro sa takdang araw kung magkakasundo ang dalawang bansa at bibigyan ito ng basbas ng FIFA at AFC. Mahalaga na alagaan ang kalusugan at seguridad ng lahat ng kasaling atleta at manonood.
Maaaring malipat ang mga laro sa susunod na FIFA International Window sa Setyembre 1 hanggang 8 kung saan obligado ang mga koponan na payagan palaruin sa pambansang koponan ang kanilang mga manlalaro. May parehong window rin mula Okt. 5 hanggang 13 at Nob. 9 hanggang 17.
Para hindi masayang ang paghahanda at manatiling matalas ang Azkals, naghahanap ang pamunuan ng koponan ng mga friendly match dito sa Pilipinas o sa ibang bansa ngayong buwan.
Ilan sa mga maaaring makalaro ng Azkals ay ang mga pambansang koponan ng Malaysia, Myanmar at Cambodia.
Huling naglaro ang Azkals noong Nob. 19, 2019 kung saan natalo sila sa Syria, 0-1, sa Dubai, United Arab Emirates. Kailangang magtapos ang Pilipinas sa unang dalawang puwesto sa Grupo A upang matuloy ang kanilang lakbay patungong World Cup.