Maagang rumatsada ang Builders Warehouse-UST sa pangunguna ni Soulemane Chabi Yo para gapiin ang Diliman College, 106-93 sa 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Paco Arena sa Manila.
Nagtala ang nakaraang taong UAAP MVP ng 24 puntos, 9 na rebounds at 2 blocks upang pamunuan ang Growling Tigers sa ikalawang sunod nilang panalo at makamit ang maagang pamumuno sa torneo.
Giniyahan ni Chabi Yo ang 16-5 na panimula ng UST na pumukol ng limang triples para iposte ang 37-18 na kalamangan sa first quarter.
“We told him that he had to exert effort because for the past games, ‘di pa nakakalaro ng maayos si Chabi. We told him to play well, makakuha siya ng rhythm niya and he did,” wika ni UST coach Aldin Ayo.
Kasunod ni Chabi Yo, tumapos na may double-double 14 puntos at 11 rebounds si Dave Ando na sinundan nina Rhenz Abando na may 13 puntos, Deo Cuajao na may 11 puntos, at Zach Huang na may 10 puntos at 5 rebounds.
Nanguna si Senegalese center Abdoulaye Niang para sa Blue Dragons sa itinala niyang 30 puntos at 16 rebounds.
Sa ikalawang laro, gaya ng inaasahan humanay sa pangingibabaw ang Marinerong Pilipino matapos itala ang ikalawang sunod nilang tagumpay pagkaraang talunin ang ADG Dong-Mapua, 83-69.
Tumapos na leading scorer para sa Skippers si Jamie Malonzo na may 23 puntos, kasunod sina Juan Gomez de Liaño at Alfred Batino na may 18 at 14 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nanguna sa natalong Mapua (0-1) si Lawrence Victoria na may 16 puntos.
Samantala, gaya ng naunang dalawang laban, wagi din ang paboritong EcoOil-La Salle kontra Karate Kid-Centro Escolar University, 79-73.
Nagposte si Justin Baltazar ng 20 puntos kasunod si Encho Serrano na may 18 puntos upang pamunuan ang nasabing ikalawang sunod na panalo ng La Salle na nagtabla sa kanila sa liderato kasalo ng Marinerong Pilipino at ng Builders Warehouse-UST.
Nanatili namang walang panalo ang CEU matapos ang dalawang laro.