Kinapos ang mga beteranong manunumbok ng Pilipinas kaya buong giting na pumagitna ang Pinoy na si Zorren James “Dodong Diamond” Aranas para maisalba ang korona ng 9-Ball Open Division laban sa 127 iba pang aspirante nang magsara ang 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament sa West Monroe, Los Angeles, California.
Walong panalo at isang talo ang pinakamakinang na rekord sa torneo at iyon ay pag-aari ng sumisibol na si Aranas.
Ito rin ang naghatid sa kanya sa unang kampeonato at ikaapat na podium finish ngayong 2020.
Nauna rito, pumangatlo ang Pinoy sa Derby City Classic (DCC) 9-Ball (Indiana, Pebrero), Turning Stone Classic XXXIII (New York, Enero) at Cajun Coast 9-Ball Open (Louisiana, Pebrero).
Pampito rin siya sa kasalukuyan sa malupit na AZBilliards Moneyboard. Sina Gabriel Alexander (9-5), David Walker (9-4), Hapones na si Naoyuki Oi (9-5), Justin Hall (7-0), kababayang Roberto “Superman” Gomez (9-6), Tony Chohan (9-5) at Shane McMinn (9-6) ang mga biniktima ni Aranas para makapasok sa championship face-off tangay ang twice-to-beat na bentahe.
Sa unang salang, nasingitan siya ni Josh Roberts, 8-9, pero sa pangalawang sagupaan na nagsilbing ring rubber match ay sinelyuhan na niya ang unang puwesto, 7-3.
Naiwagayway nang husto ang bandila ng Pilipinas sa maigting na paligsahan.
Sa One Pocket na labanan, isang 1-3 na palabas ang ipinakita nina Billiards Congress of
America (BCA) Hall of Famer Francisco “Django” Bustamante at AZBilliards Moneyboard frontrunner Dennis “Robocop” Orcullo. Si Orcullo, 10-Ball SEA Games gold medalist at dating hari ng 8-Ball sa buong mundo, ang siya ring nagwagi sa 10-Ball mini event.