Hindi lamang para sa mga manggagawang Chinese na nasa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) kundi pati na ang lahat ng nagmula sa mainland China ang dapat na maisalang sa seminar ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at culture-sensitivity training.
Ayon kay House Committee on Games and Amusement Vice-Chairman Rep. Ronnie Ong, may mga Tsino ng mainland China ang nagiging notoryus sa pagiging bastos o walang respeto kahit sa mga awtoridad ng Pilipinas.
Sinabi ni Ong na kumpara sa mga Chinese mula sa Hong Kong, Macau at Taiwan na mas may respeto, ang Chinese mainlanders ay hindi marunong kumilos nang tama kung nasa bansa, gayung dapat ay sumusunod sa mga batas at iginagalang ang kultura at tradisyon ng mga Pinoy.
“It’s just like having visitors in your house. When they start breaking things and start pestering other people, it is just right that we should show them the way out. What I’m proposing is that we lay down our house rules before we let them inside our house,” diin ni Ong.
Maliban sa GMRC seminar, nais din ng kongresista na madaliin na rin ng PAGCOR ang pagbibigay ng Gaming Employment License identification cards sa lahat ng rehistradong Chinese POGO workers. Sa ganitong paraan ay matitiyak na lehitimo ang lahat ng POGO workers sa bansa.
Nais din ng mambabatas na magkaroon ng regular na inspeksiyon ng lahat ng pasilidad ng POGO upang magkaroon ng kumpletong pag-audit sa mga lehitimong Chinese POGO personnel sa bansa.