Nakamit ni 2019 World Amateur boxing championship silver medalist Eumir Felix Marcial ang ticket patungong 2020 Tokyo Olympics matapos ipatigil ng referee ang laban sa 3rd round dulot ng na-grogeng kalaban sa quarterfinal round ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.
Sumandal ang 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City sa pananalig na mapatamaan ng solido ang kalabang si Byamba-Erdene Otgonbaatar ng Mongolia upang maibigay ang panalo sa kanya dulot ng Referee Stops Contest (RSC) sa ikatlong round.
Ang 30th SEAG champion ang naging ikatlong Filipino na nakapasok sa Summer Games kasunod nina Pole Vaulter Ernest “EJ” Obiena at Gymnast Edriel “Caloy” Yulo na gaganapin naman simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Naging pursigido ang 2011 AIBA Youth World boxing champion na bumitaw ng mga suntok sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng 23-anyos na Mongolian boxer, ngunit pinayuhan ito ni coach Ronald Chavez na maghinay-hinay ng bahagya upang maiwasang bumalik ang dating injury nito.
“Simple lang naman ang instruction ko kay Eumir, na huwag masyado ibuhos ang lakas baka bumalik iyong injury niya,” paliwanag ni Chavez sa panayam ng BULGAR sa social media. “Pero sabi ko sa kanya puro diretsong suntok lang pero kung hindi maiwasan, paminsan-minsan gamitin niya kung kinakailangan,” dagdag ng 50-anyos na retired boxer na sumabak sa 1992 Barcelona Olympics sa lightweight division kung saan umabot siya sa quarterfinals.
Nadomina ng maaga ni Marcial ang unang round nang makuha nito ang 5-0 iskor kasunod ng mga kaliwang suntok na koneksyon habang hindi magawang makabawi ni Otgonbaatar. Halos pareho rin ang ipinakita ni Marcial sa second round sa kanyang magagandang left-right combination upang makuha ang 4-1 marka.
“Four years I didn’t qualified, because all of this I dedicate to my father. I trained hard for this to qualify and because I want him [father] to see me play at the Olympics,” wika ni Marcial sa olympicchannel.com, na lumuluha sa galak na makuha ang ticket sa Olympiada.
“I want to win a gold medal in the Olympics,” sambit nito. “I will do my best in four months to train hard and dedicate every game to my father and to my country,” dagdag nito.