Sumalo sa National University sa maagang liderato ng women’s division ang tatangkain ng De La Salle University sa pagsagupa nila sa University of the Philippines sa natatanging tapatan ngayong hapon sa UAAP Season ‘82 Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay.
Nagawang igupo ng rookie-laden team ng Lady Spikers ang defending champion Ateneo sa una nilang laro noong Sabado. Pinamunuan ng graduating open spiker na si Tin Tiamzon kasama si sophomore Jolina de la Cruz, sinilat ng Lady Spikers ang Lady Eagles, 25-17, 17-25, 25-17, 25-15.
Impresibo sa kanilang debut game para sa Lady Spikers ang mga rookies na sina Thea Gagate, Leila Cruz at Baby Jane Sorreno na inaasahang muling magpapakitang-gilas ngayong hapon para makamit nila ang ikalawang dikit na panalo.
Ang tiwalang ibinigay sa kanya ng players ang nagbigay daan sa kanilang tagumpay ayon kay coach Ramil de Jesus ng La Salle. “Mga bata halos ang mga players namin kaya minsan nawawala pero nakakabalik din. Hindi madali para sa amin, pero sabi ko nga tiwala lang,” wika ni De Jesus.
Gagamitin ng Lady Fighting Maroons ang momentum mula sa naitalang panalo kontra University of the East para sa hangad din nilang back-to-back wins matapos mabigo sa una nilang laro sa kamay ng Ateneo Lady Eagles.
Sasandigan ng tropa ni coach Godfrey Okumu para manguna sa UP sina Tots Carlos at Isa Molde na siyang gumiya sa nakaraan nilang panalo laban sa UE. Sa unang salpukan, magtatangkang makabawi sa nakaraan nilang kabiguan sa kamay ng UE Red Warriors ang UP Fighting Maroons sa tapatan nila ng Green Spikers na nais ding makabangon sa natamong pagkatalo sa kamay ng Ateneo sa una nilang laban. Mga laro ngayon: MOA Arena 2 pm UP vs. La Salle (m) 4 p.m. UP vs. La Salle (w).