Nagpahayag ng intensiyong maging mga makikinang na bituin ng ahedres sa hinaharap ang mga paslit na sina Oscar Joseph Cantela at Phil Martin Casiguran matapos silang mangibabaw sa kani-kanyang grupo nang magsara ang 2020 PACE Kiddies Chess Championships Leg 1 sa Project 6, Quezon City.
Kumartada si Cantela ng anim na puntos mula sa 7 rounds ng bakbakan para sa kampeonato ng Under 13 na dibisyon sa torneong isinaayos ng Philippine Academy for Chess Excellence.
Napabilang sa mga nabiktima niya sina Dranreb Dionisio (round 1), Gladimir Chester Romero (round 2), Lee Gabriel Cipres (round 4), Alysah Buto (round 5), Julie Gelua Jr. (round 6) at Antonella Berthe Racasa noong huling yugto.
Ang solong mantsa sa rekord ng kampeon ay nang magwagi si Karylcris Clarito Jr. sa kanya noong pangatlong round. Makinang din ang 10-anyos na si Al-Bashir Buto (5.5 puntos) dahil sa pagsampa niya sa pangalawang puwesto nang lapatan ng tuntunin sa tiebreak samantalang pumangatlo si Clarito (5.5 puntos).
Sa pangkat ng Under 9, perpekto ang paligsahan para kay Casiguran nang mangolekta siya ng limang puntos mula sa limang laban sa board.
Isang buong puntos sa likod ng tournament topnotcher ay si Mar Aviel Carredo na nakuntento sa pagiging malayong segunda (apat na panalo at isang talo) habang nasa pangatlong baytang si topseed Gilasea Ann Hilario (rating: 1081) dahil sa kartada na tatlong puntos (tatlong panalo at dalawang talo).