Gumana ang laro ni SJ Belangel kung kailan ito pinaka-kailangan at binuhat niya ang Ateneo de Manila University sa matagumpay na depensa ng kanilang National Collegiate Championship laban sa San Beda University, 57-46, sa FilOil Flying V Centre Linggo ng hapon. Walang puntos si Belangel sa unang tatlong quarter subalit pumutok siya sa lahat ng kanyang 10 puntos sa huling quarter para patahimikin ang Red Lions at manatili ang tropeo sa kanilang kamay.
Huling nakalamang ang San Beda matapos ang isang free throw ni Kenmark Cariño na may 4:46 na nalalabi, 46-45, subalit iyan na ang naging huling ingay nila. Nagsanib-puwersa si Belangel at Ange Kouame para sa 10 sunud-sunod na puntos upang bigyan ng 55-46 na lamang ang Blue Eagles papasok ng huling dalawang minuto at tinuldukan ni William Navarro ang kampeonato sa isa pang buslo na may 17 segundo pa sa orasan.
Kahit nablangko noong 3rd quarter, namuno pa rin si Kouame sa tagumpay na may 17 puntos at 17 rebound.
Habang hindi pa umiinit si Belangel, nag-ambag ang reserbang si Troy Mallillin ng 11 puntos sa unang tatlong quarter.
Hinirang si Belangel bilang Most Valuable Player habang si Coach Tab Baldwin ang Coach of the Year.
Sinamahan si Belangel sa Mythical Five nina Oftana, Penuela, Kouame at Lassina Coulibaly ng University of the Visayas.