top of page
Search
Ryan B. Sison

Bebot na hindi pinaupo ng lalaki sa bus, nagreklamo sa socmed, binanatan ng mga netizen


Boses ni Ryan B. Sison

Minsan, nakakainis talaga kapag hindi tayo nakaupo sa pampublikong sasakyan tulad ng bus o tren.

Pero hindi ba, mas nakakainis kapag gusto mo lang bumiyahe nang payapa at makapagpahinga habang nasa biyahe, pero ang ending, ikaw pa ang masama?

Viral ang babaeng nag-post sa Facebook dahil hindi umano siya pinaupo ng lalaki sa bus. Makikita sa post ng babae na nag-pose pa ito sa harap ng lalaking natutulog at sinabing wala nang gentleman.

Mabilis na kumalat sa social media ang post na ito kaya naman, galit na galit ang mga netizen at tinawag pang “feeling entitled” ang nag-post.

Agad na nakita ng lalaki ang naturang post kaya sumagot ito at sinabing sisikat na lang siya sa socmed pero sa pangit na paraan pa. Kahit hindi naman dapat, nagpaliwanag pa ito kung bakit hindi niya nagawang magpaupo sa bus. Aniya, anim na beses sa isang linggo siyang bumibiyahe mula Bulacan hanggang Maynila para magtrabaho kaya pagod siya at nakakatulog sa biyahe.

Dahil dito, sumagot ang babae at todo-paliwanag na biro lang ang post at hindi niya intensiyong ipahiya ang lalaki na naging dahilan para lalong magalit ang mga netizen. Nakalulungkot lang dahil sa panahon ngayon, parang kasalanan pa ang hindi magpaupo sa PUV kahit pare-pareho lang naman kayong nagbabayad.

‘Yung tipong lahat ng kilos mo ay magiging limitado dahil baka bukas-makalawa, sikat ka na. Paalala sa lahat, ang pagiging gentleman ay kusang ginagawa at hindi obligasyon. Prayoridad pa ring paupuin sa pampublikong sasakyan ang mga nakatatanda, may kapansanan at buntis.

Gayunman, magsilbi sana itong aral sa ating lahat na maging sensitibo tayo sa mga ipino-post sa socmed at irespeto ang choice ng mga nakasasalamuha natin.

Gayundin, hindi porke biro para sa atin ay biro na rin para sa iba. ‘Ika nga, ginagawa ang pagbibiro para magpatawa at hindi para mamahiya ng ibang tao.

Kung ginagawa n’yo lang ito para magpapansin o magpasikat, pwes, tumigil na kayo dahil hindi ito nakakatuwa. Gamitin natin ang socmed sa tama at hindi sa pamamahiya o para makakuha ng atensiyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page