Iwasang magtungo sa mga resort na dagsa ang tao kung nais makapag-swimming ngayong summer season.
Ngayong malapit na ang panahon ng tag-init, inaasahang daragsa ang mga kababayan natin ang magtutungo sa mga resort.
Gayunman, dahil sa banta ng COVID-19, dapat mag-ingat ang publiko. Ayon kay DOH Asec. Ma Rosario Vergeire, kung maliligo sa isang swimming pool kung saan ang makakasalamuha ay nasa 100 katao ay hindi ito ligtas.
Pero, kung dalawa lang aniya at may sapat na distansiya mula rito, maaaring mababa naman ang panganib na mahawa sa virus.
“Depende sa makakasalamuha, kung 100 katao, eh, delikado. Pero kung dalawa lang kayo and you remain at a distance siguro naman mababa ang risk,” pahayag ni Vergeire.
Nilinaw din ni Vergeire na walang sapat na ebidensiyang magpapatunay na nakaaapekto ang mainit na panahon para mamatay ang coronavirus disease. Inihalimbawa nito ang mga bansa na may mainit na panahon pero, may mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.