top of page
Search
Ryan B. Sison

Unstapabol na riding-in-tandem, kasalanan ng LTO


Boses ni Ryan B. Sison

Holdap, ambush at snatching. Ilan ito sa mga krimen na ginagawa ng mga riding-in-tandem.

Halos araw-araw ay may kinasasangkutang krimen ang mga riding-in-tandem kaya marami tayong kababayan na nababahala dahil hindi nila alam kung saan at kailan aatake ang mga ito.

Kawalan ng sistema ng Land Transportation Office (LTO) ang sinisisi ng isang mambabatas kaya patuloy na tumataas ang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.

Ito ay dahil walang plaka o temporary plate lang ang ginagamit ng mga motorsiklo kaya nahihirapan ang pulisya na tugisin at panagutin sa batas ang mga motorsiklong walang plaka na nasasangkot sa krimen.

Samantala, sang-ayon sa sinabi ng mambabatas ang mamamayan na dapat umanong managot ang mga opisyal ng LTO dahil sa kabagalan at kawalan ng sistema kaya lumalala ang problema sa riding-in-tandem.

Sa halip na magdusa sa kulungan, malaya pa ring nakagagala at nakapambibiktima ang mga kriminal na ito.

At kapag may napabalitang krimen, saka lang umaaksiyon at naghihigpit ang mga awtoridad.

Pero dahil hindi alam kung paano hahagilapin dahil walang plaka, aasa na lang sa checkpoint.

Oo nga at may pagkukulang at marami nang nababahala at nabiktima, mahalaga pa bang magsisihan kesa mag-isip ng solusyon upang hindi na ito maulit?

Panawagan sa LTO, baka naman puwede nang magkaroon ng magandang sistema at mapabilis ang pagkuha ng plaka?

Tutal, para rin ito sa mabilis na pagtugis sa mga kriminal at kasiguraduhan na ligtas ang publiko.

Isa na ring hamon sa ating bansa ang pagtugis sa riding-in-tandem kaya pakiusap sa pamahalaan at publiko, magtulungan tayo.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page