Inaresto ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang pulis nang mahuling nagsasabong sa Pangasinan.
Tinukoy ni PNP-IMEG Director Colonel Ronald Lee ang pulis na dinampot habang nasa JBC Cockpit Arena sa Tayug, Pangasinan na si Police Staff Sergeant Sherwin Salazar ng Pangasinan Police Provincial Office 1.
Sinabi ni Lee na mahaharap ngayon si Salazar sa mga kasong administratibo dahil sa grave misconduct.
Alas-8:30 ng gabi ng Sabado nang ilunsad ng PNP-IMEG ang raid sa sabungan kung saan nahuli rin ang dalawa pang sibilyan na sina Fiddie Rosario at Florendo Mando.
Sinasabing ilegal ang sabungan kung saan nakipaglaro si Salazar.
Nauna nang pinaigting ng PNP ang kampanya nito kontra sa mga ilegal na pasugalan sa bansa.