top of page
Search
Gerard Arce

Pacman-Garcia Fight bahagyang may linaw na​


Bahagyang nagkakaroon na ng linaw ang posibilidad na tapatan nina World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny “Pacman” Pacquiao at dating four-division titlist Mikey Garcia na maaaring ganapin sa Saudi Arabia.

Ayon sa report na inilabas ng isang website, sinasabing gaganapin ang bakbakan ng eight-division World champion at American-Mexican challenger sa 62,345-seating capacity na King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia sa Hulyo 11.

Inihayag sa naturang report na sinabi ni MP Promotions president at international matchmaker Sean Gibbons na itinutulak ang negosasyon sa pagitan ni Matchroom Sports managing director Eddie Hearn.

“At this moment, the Senator is in discussions with the Kingdom and is hopeful for a bout to push through,” pahayag ni Gibbons sa naturang report. “The bus is moving slowly along, trying to navigate things. The Senator himself and MP Promotions are handling things with our promotional partner TGB.”

Matatandaang isa si Garcia sa mga tinukoy na maaaring maging sunod na kalaban ng Eight-Division World champion ngayong taon.

Nito lamang nakalipas na buwan ay matagumpay na nagwagi si Garcia laban kay Jesse Vargas sa isang unanimous decision sa Ford Center sa Star sa Frisco, Texas, upang maipakita ang karapatan nitong makaharap ang Fighting Senator.

Bago pa man magwagi si Garcia kay Vargas ay nauna muna itong mabigo laban kay International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Council (WBC) welterweight titlist Errol Spence Jr. noong Marso ng nakaraang taon na nagtapos sa unanimous decision win kay Spence.

Desidido ang 32-year-old na Oxnard, California native na maisama sa kanyang listahan ang pambansang kamao.

Dating hinawakan ni Garcia ang mga titulo sa World Boxing Organization (WBO) Featherweight, Super-Featherweight, World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) lightweight at superlightweight titles.

Huling lumaban ang Filipino fighting Senator noong Hulyo ng nakaraang taon laban kay Keith Thurman para sa WBA 147-lbs title kung saan nagtapos ito sa split decision na pabor sa 41-anyos na Filipino boxer.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page