top of page
Search
A. Servinio

Mga next Fun Runs sa Metro, apektado ng coronavirus


Hindi muna ginanap ang inaabangang unang yugto ng Trilogy Run Asia 2020 ng Runrio Events na dapat sana ay noong Marso 8 sa SM Mall of Asia. Ayon sa pamunuan ng karera, nagpasya sila na ipaliban muna ito dahil sa mga kumpirmadong bagong kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas.

Ang Trilogy Run Asia ay ang taunang serye ng tatlong karera na may distansyang 21, 32 at 42.195 kilometro. Ihahayag agad ng Runrio ang bagong petsa ng patakbo. Malalaman din kung apektado ang petsa ng ikalawa at ikatlong yugto. Ang 32-k Afroman Race ay dapat sa Hunyo 14 habang ang Philippine Marathon ay sa Setyembre 13.

Isa sana sa mga sasali sa Trilogy Run ay si 30th Southeast Asian Games Marathon Gold Medalist Christine Hallasgo. Sa isang panayam sa BULGAR, inihayag ni Hallasgo ang kanyang panghihinayang subalit itutuloy pa rin niya ang kanyang ensayo.

Si Hallasgo ay isa sa mga napipisil na bigyan ng pagkakataon na lumahok sa 2020 Tokyo Olympics sa pamamagitan ng universality kung walang Pinay na makapasok. Pasok na si EJ Obiena ng Pole Vault kaya wala nang universality para sa mga kalalakihan.

Hindi ito ang unang beses na may nadamay na karera ang Runrio dahil sa coronavirus disease. Ang taunang PSE Bull Run na dapat ay sa Marso 22 sa McKinley West sa Taguig City ay nalipat sa Mayo 24 sa parehong lugar.

Itong linggo rin, inihayag ang pagliban ng National Geographic Earth Day Run na dapat ay sa Abril 19 sa SM MOA. Pipili sila ng bagong petsa sa darating na Setyembre.

Maliban sa mga nabanggit na fun run, ang Runrio ang mangangasiwa sa parating na National MILO Marathon sa taong ito. Magsisimula ang mga serye ng patakbo sa lahat ng sulok ng kapuluan sa Hulyo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page