Sampu katao ang patay matapos gumuho nitong Sabado ng gabi ang isang hotel sa Quanzhou, China na nagsisilbing coronavirus quarantine center.
Ayon sa Ministry of Emergency Management ng China, tinatayang nasa 80 katao ang nasa loob ng 7-palapag na gusali nang ito ay gumuho.
Siyam umano ang nakatakas habang 71 katao ang na-trap.
Sa 71 na ito, 48 ang nakuha na habang 23 naman ang hinahanap pa rin.
Nabatid na 58 katao ang naka-quarantine sa nasabing hotel at lahat ay negatibo naman sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
May 16 na staff din ng hotel at 6 na car dealership employees ang naroon nang gumuho ito. Ayon sa ulat, nasa kustodiya na umano ng pulisya ang may-ari ng gusali.
Ang gumuhong hotel ay itinayo noong 2013 at na-convert bilang hotel noong 2018.
Nitong Enero, sinimulan umanong ipa-renovate ang unang palapag ng hotel. Kabilang sa aalamin ng mga awtoridad ay kung gumuho ang gusali dahil sa structural issue o dahil sa ginagawang renovation.
Ang Quanzhou ay 600 milya ang layo mula sa Wuhan na epicenter ng COVID-19.