Nasa P4.4 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng Northern Police District sa siyam katao kabilang ang isang menor-de-edad sa follow-up buy-bust operation sa Hagonoy, Bulacan, kahapon.
Ayon kay NPD-District Director P/Brig. Gen. Ronald Ylagan, alas-3:20 ng madaling-araw nang isagawa ng District Special Operation Unit (DSOU), District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Mobile Force Battalion (DMFB) sa koordinasyon kay P/Lt. Col. Roginald Francisco, hepe ng Hagonoy, Bulacan Police ang buy-bust operation sa Bgy. Iba, Sitio Sandoval, na nagresulta sa pagkakaaresto kina Kevin Paul Jose, 26; Joshua Gabriel Faustino, 23; Anthony Chino Morales, 28; Ken Alec MC Claine Cruz, 22; Tyrone Gipala, 23; Marc Mariano, 22; Kate Desaluna, 18; Ivanah Nanit, 22, at sa 17-anyos na binatilyo.
Narekober sa mga suspek ang nasa 37 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na nasa P4,440,000 ang halaga, P20,000 boodle money, kasama ang dalawang P1,000 genuine bill, digital weighing scale, dalawang cellphone at sasakyan.
Ani DSOU Head P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay kaugnay pa rin sa nauna nilang buy-bust operation sa Lungsod ng Caloocan at Quezon.