Humugot ng armas si Rolly Parondo ng Pilipinas sa angking husay sa paspasang ahedres upang makasulong sa dalawang magkaibang trono sa Thailand kamakailan.
Sa Red Knight Chess FIDE Rated Blitz Tournament sa kahabaan ng Sukhumvit, kumamada si Parondo, may ELO rating na 2214, ng pitong panalo, isang tabla at isang talo tungo sa kabuuang produksiyong 7.5 puntos.
Sa tiebreaker naselyuhan ng Pinoy ang unang puwesto kontra sa sumegundang si FIDE Master Riste Menkinoski ng Macedonia na nakapagsubi rin ng 7.5 puntos. Nasaksihan naman ang isang 1-3 wind-up para sa Pilipinas matapos na pumangatlo si Loreshyl Cuizon dahil sa natipon niyang limang puntos.
Halos wala namang dungis ang rekord ni Parondo sa Double Bishop FIDE Rated Blitz Tournament sa Bangkok nang magsuko ito ng 8.5 puntos mula sa siyam sabak sa chess board. Bukod sa hatian ng puntos na nairehistro kontra sa kababayang si FM Diony Habla noong round 4, lahat ng mga laban ng kampeon ay nauwi sa tagumpay sa torneong nilahukan ng mga kinatawan ng Sweden, Japan, Pilipinas at punong-abalang Thailand.
Samantala, itinanghal na kampeon si Sarri Subahani (rating: 2004) sa katatapos na Panitikan sa Chess 2020 Open Division sa UP Diliman, Quezon City. Anim at kalahating puntos ang naipon niya at ito ay isang buong puntos ang agwat sa pumangalawang si Lemmuel Jay Adena (rating: 1964). Ang paslit na chess wizzard na si Al Basher Buto (rating: 1923) ay pumangatlo (3.0 puntos).