Walang nakapigil sa pagragasa ng Gresya upang talunin ang Pilipinas sa 2020 Davis Cup World Group II Playoff sa Philippine Columbian Association (PCA) Tennis Courts Sabado ng hapon. Sinigurado ni Stefanos Tsitsipas ang tagumpay ng mga Griyego sa pamamagitan ng kanyang 6-2 at 6-1 na pagwalis kay Jeson Patrombon sa unang reverse singles para sa kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.
“I played well enough to get the win and it was good overall,” wika ni Tsitsipas. ”I met a lot of positive people here and I would like to visit again but not for Tennis and explore the country.”
Bago noon, pinasarap muna nina Ruben Gonzales at Francis Casey Alcantara ang laban matapos nilang masungkit ang doubles kontra kay Markos Kalovelakis at Petros Tsitsipas at bigyan ng pag-asa ang kampanya ng mga Pinoy, 7-6 (5) at 6-4. ”It’s good to be back representing the country after three years,” wika ni Gonzales.
Lamang ang mga Griyego sa unang set, 4-3, subalit humabol ang mga Pinoy at tumagal ng higit isang oras ito. Ang panalo sa unang set ay nagdulot ng sapat na inspirasyon na makuha ang pangalawang set. Linaro pa rin ang pangalawang reverse singles kung saan pinalitan si AJ Lim ni Eric Olivarez Jr. na kasalukuyang numero 1,590 sa mundo. Nanalo pa rin si Petros kay Olivarez, 6-4 at 7-5 upang pormal na wakasan ang tie sa 4-1 na talaan.
Noong Biyernes, binigyan ng magkapatid na Tsitsipas ang Gresya na 2-0 na lamang sa unang dalawang singles. Tagumpay si Stefanos kay Lim, 6-2 at 61, habang panalo din si Petros kay Patrombon sa parehong iskor.
Dahil sa resulta, bababa ang Pilipinas sa Asia-Oceania Group III kasama ang mga bansa tulad ng Malaysia, Jordan, Kuwait, Qatar at Pacific Oceania. Tutuloy ang Gresya sa World Group II main tournament sa darating na Hulyo o Setyembre.