Hiniya ni “senior citizen” Francisco “Django” Bustamante ang mas nakababatang oposisyon tungo sa pag-akyat niya sa trono ng One Pocket Division sa 2020 Scotty Townsend Memorial Tournament sa West Monroe, Los Angeles, California.
Muling nasaksihan ang pormang nagbigay kay Bustamante, isang alamat ng world billiards mula sa Tarlac, ng titulo sa World 9-Ball Championships at nagtulak sa kanya sa Billiards Congress of America (BCA) Hall of Fame, nang rumatsada siya ng mga panalo kontra kina Roberto “Superman” Gomez (4-1), Chip Compton (4-2), Skyler Woodward (4-1) at Justin Hall (4-2) upang makasampa sa finals na dala ang malinis na kartada.
Nagkarera sa losers’ bracket sina Dennis “Robocop” Orcullo at Hall para sa huling upuan sa championship round. Sinagasaan ni Orcullo si Alex “The Lion” Pagulayan (4-2), Compton (4-2), Josh Roberts (4-1) at Jeremy Jones (4-2) pero nang nagharap na sila ni Hall, yumuko ang Pinoy kaya sa huli ay sina Bustamante at Hall ang nagharap para sa korona.
Hindi nakaporma ang huli kaya sa Tarlaqueno napunta ang kampeonato na nagkakahalaga ng $10,000. Si Bustamante rin ay bahagi ng dynamic duo ng Pilipinas na nagkampeon noong 2006 at 2009 World Cup of Pool kaagapay ang isa pang BCA Hall of Famer na si Efren “Bata” Reyes.
Nagkasya sa pangalawang puwesto ang Amerikanong si Hall ($6,000) samantalang sinelyuhan ni AZBilliards Moneyboard frontrunner at Derby City Classic Master of the Table Orcullo ($3,000) ang isang 1-3 na pagtatapos para sa tatlong kulay ng Pilipinas.