top of page
Search
Ryan B. Sison

Cellphone at iba pang gadget, bawal sa iskul, isinusulong


Boses ni Ryan B. Sison

Bawal ang smartphone at gadgets sa iskul.

Ito ang gustong gawin ng isinusulong na panukala sa gitna ng pagkahumaling sa smartphone at iba pang gadgets ng mga estudyanteng nasa Grade 10 pababa.

Sa ilalim ng House Bill 5545, bawal nang gumamit ng smartphone at gadget sa lahat ng eskuwelahan dahil ito ang dahilan kung bakit nawawala ang pokus ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Base sa pag-aaral, ang mga estudyante na nahuhumaling sa cellphone at iba pang gadgets ay nagkakaroon ng problema sa kaisipan, mababa ang grado, nasasangkot sa cyber-bullying, tumataas ang depresyon na kung minsan ay humahantong sa suicide o pagpapakamatay.

Maraming magulang ang pabor sa panukalang ito dahil aminado silang mahirap nang pigilang gumamit ng smartphone ang kanilang mga anak. Gayunman, may ilang kumontra at sa halip na ipagbawal nang tuluyan, mas oks daw kung lilimitahan lang dahil kailangan pa rin ito ng mag-aaral.

Sa panahon ngayon, halos hindi na makakilos nang walang cellphone ang kabataan dahil napakaraming silbi nito mula sa pag-contact sa mga magulang, alternatibong gamit para makapag-research at puwedeng lagyan ng files.

Gayunman, kahit malaki ang naitutulong ng gadgets, hindi pa rin nawawala ang negatibong epekto nito tulad ng distraction at kawalan ng koneksiyon sa kapwa mag-aaral.

‘Yung tipong mas gusto na lang nilang maglaro sa cellphone kapag breaktime kesa kumain o makipag-usap sa mga kaeskuwela.

Pabata na nang pabata ang naaadik sa smartphone at gadgets kaya dapat lang na pag-aralang mabuti ang panukalang ito at kung lulusot, dapat siguraduhin ng paaralan na madali nilang mako-contact ang mga magulang kapag may emergency.

Gayundin, hindi lang dapat sa paaralan iasa ang pagdidisiplina sa mga bata tungkol sa paggamit ng gadgets. Responsibilidad pa rin ng magulang na bantayan ang kanilang mga anak, gayundin, ang pagpapaintindi na may hindi magandang epekto ang sobrang paggamit ng gadget.

Sa totoo lang, maganda ang layunin ng panukala, pero sana ay mabigyan ng maayos na panuntunan upang maayos itong maipatupad.

Hati pa rin ang opinyon ng taumbayan, lalo na ng mga magulang, pero iisa ang ating layunin — ang turuang magpokus sa pag-aaral ang mga estudyante at ‘wag umasa sa cellphone o gadget sa lahat ng oras.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page