top of page
Search
Mylene Alfonso

Binti, bali.. 2 yrs. old ginulpi ng kinakasama ni Lola


Bali ang kanang binti ng isang 2-anyos na batang lalaki na pinagpapalo umano ng kahoy ng isang construction worker na kinakasama ng kanyang lola sa Sampaloc, Manila, noong Miyerkules.

Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang paslit na si ‘Benjie’, anak ni Christine Anne Pascual, 22, vendor at residente ng Malabon City.

Naaresto naman ng Manila Police District-Station 4 ang suspek na si Cedric Domingo, 28, residente ng Sampaloc, Manila na nahaharap sa reklamong Physical Injury in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Batay sa imbestigasyon, nasa pagitan ng alas-7:00 at alas-8:00 ng gabi noong Marso 4, nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng suspek kung saan sila nagsasama ng lola ng biktima.

Nadiskubre lamang ang pangyayari nang umuwi mula sa trabaho ang lola ng bata na si Charrilyn Juan, na nakitang nakahiga sa kama ang apo na namamaga ang mukha at may mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naiwang nagbabantay umano ang suspek sa bata na nagdahilang nabagsakan ang kanang binti nito ng lamesa kaya nabalian.

Agad na itinakbo nila sa naturang pagamutan ang bata at lingid sa kaalaman ng suspek ay itinawag na ito sa ina ng bata na nagsampa ng reklamo sa pulisya dahilan upang siya ay arestuhin. Naniniwala naman ang kaanak ng bata na sinadyang saktan ito ng suspek.

Batay sa post sa Facebook ng tiyuhin ng biktima, pinagpapalo ng suspek ng kahoy ang bata na ikinabali ng binti nito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page