Paglalaro sa sariling homecourt ang pinakamalaking bentahe ng Palayan City laban sa defending champion San Juan kung saan ang Game 2 ng Community Basketball Association Pilipinas Cup best-of-three title showdown ay idaraos sa Gapan, Nueva Ecija ngayong Linggo, Marso 8.
Inaasahan ni Palayan City team manager Ryan Ripalda na ang buong team mula sa players hanggang coaching staff ay gaganahan sa cheers ng fans upang maulit ang panalo kontra San Juan at masungkit ang national championship at ang P1-million cash prize.
Naniniwala si dating player Ripalda na taglay ng Capitals ang katangian para sa championship game ngayong Linggo sa Gapan City gymnasium. “We’ll do our best to win again (in Game 2 on Sunday) and capture the championship infront of our home fans,” ayon kay Ripalda sa 58th “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros noong Huwebes. “Abot-kamay na namin ito, kaya gagawin na namin ang lahat na aming makakaya para manalo,” dagdag ni Ripalda sa weekly public service program ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR at CBA. Unang tinalo ng Palayan City na suportado ng Palayan City head Adrienne Mae Cuevas at team owner Bong Cuevas ang San Juan, 79-74 sa San Juan gym noong nakaraang weekend.
Nakontrol ng Alvin Grey-mentored Capitals ang tempo ng game at nakalamang agad sa 14 points bago pinasuko ang Knights. Ang monster block ni Arvin Gamboa at high points ni Deniel Aguirre ang nag-angat sa Palayan City para sa panalo. Muling pangungunahan nina Renz Alcoriza, Levi Dela Cruz, Gab Reyes, Marvin Maroga at Aguirre ang pagtutok sa pagkuha ng Capital ng korona.